1.9.07

Dr. Juan Dela Cruz, RN

sabi nila, ang kinabukasan daw ng isang tao ay nagsisimula sa kanyang mga panaginip at pangarap sa nakaraan.

kung gayon nga, isang panaginip lamang ang mananatili sa aking gunita, pagkat isang pangarap lang rin ang tinatanaw ko sa hinaharap...

mama! papa! kagabi, nanaginip ako, naglalakad ako sa isang ospital,
nakaputi, nakasalamin, tapos merong nakasabit na goma dun sa leeg ko, yung
ginagamit para pakinggan yung heart...
aba, gabo, doktor ka sa panaginip mo?
opo! kasi gusto ko rin talagang magdoktor!
naks, para ka palang si Rizal!

-------

puting kay liwanag, kay linis mula kuwelyo hanggang sakong. antiparang singkapal ng mga librong namasid at naintindihan. stethoscope na tila palamuting medalyon na ipinagbunyi na sa maraming lugar, sa mahabang panahon. panis ang angas sa respeto't pagpapakumbaba, ika nga ni blanco. ganun na lang sila dapat tingalain at hangaan.

tsaka hindi birong makumpara kay Dr. Rizal, pambansang bayani at doktor, kahit sa titulo lamang (singit ko lang, natuto akong magbasa nung dalawa't kalahating taong gulang pa lang ako, encyclopaedia britannica yung mga hilig ko nun. tapos type ko rin yung katsupoy style dati. pwede na ba?). kung tingin mo mahirap sumunod sa mga yapak nina Bonifacio, Jacinto, Del Pilar, at Mabini, medyo mas madali nang kaunti dun yung mag-aral ng sampung taon.

at oo nga pala, tinutulungan nila yung mga taong may sakit. ngunit naroon pa rin ba yung nararapat na pagpupugay natin sa kanila sa kasalukuyan, sa propesyon o sa manggagamot? bago natin kilatisin, kaunting trivia:

una, ilang mamayang Pilipino ang dapat na naka-toka sa isang doktor, kung ipagpapalagay natin na ang bawat Pinoy ay talagang may karapatan nga sa isang matiwasay at malusog na pamumuhay? sagot: higit sa 8,000 Pinoy.

ikalawa, kung ang kasalukuyang populasyon ng Pilipinas ay tinatayang nasa 85 milyon katao, ilang doktor ang tinatayang naririto sa 'Pinas ngayon? sagot: higit sa 11,000 na doktor

ikatlo, ilang Pilipinong doktor ang nangibang-bansa na ngayong 2007? sagot: higit sa 2,500

ika-apat, magkano ang inilalaan ng gobyerno para sa pag-aaruga sa kalusugan ng isang Pilipino? sagot: maliit pa sa sampung sentimo.

at ika-lima, magkano ang suweldo ng isang doktor sa Pilipinas kada buwan? ng isang nars sa labas ng Pilipinas? sagot: 35,000-50,000 piso; 4,000 US dolyar (200,000 piso) pataas.

ngayong nabanggit ko na lahat ng iyan, ano pang dapat halungkatin?

isipin niyo si juan/a dela cruz, nagmumuni-muni ukol sa kanyang kinabukasan: "bakit pa ako tutuloy sa medisina, mag-aaral ng sampung taon, mabubulok sa bansang medyo bulok na? eh kung magnanars na lang ako, apat na taon lang, easy money na, makakalabas pa ako ng bansa,
makakapag-asawa pa ako ng arabo o amerikano!" o diba, si Pinoy, dapat praktikal, tuso, wais! at di mo nga naman sila masisisi sa hangaring makamit ang isang mahalimuyak na bukas... sa labas ng 'Pinas.

eh pano yung mga nagtapos na ng medisina sa PGH, sa USTe, sa Medical City? pano kung gusto rin nilang lumuwas ng bansa, at doon na rin ipagpatuloy ang kanyang propesyon? mas mataas naman ang kita ng doktor sa nars diba? kaso sabi ng mga banyaga, yung mga Pinoy at Pinay, banban yung mga nagturo diyan eh, yung mga kaalaman nila, pang-nars lang dito. kung gusto nila, mag-aral muna sila dito, tapos mag-nurse siya, tsaka siya magdoktor.

nakakatamad nga namang mag-aral pa ulit, tsaka mabigat sa kalooban yun - parang sinabihan silang basura lang yung sampung taong iginugol nila para makarating sa kung nasaan sila ngayon, kasi sobrang taas daw ng mga pamantayan ng mga alien, este, foreigners. at totoong nangyayari ito.

pero teka - hindi sa minamaliit o isinasantabi ko ang kakayahan ng ating mga nars - sila ay kritikal na bahagi ng mga programang pangkalusugan sa kahit saang bayan. gayon din ang doktor, at iba pang mga tao tulad ng mga magsasaka, sari-sari store bantay, barbero, accountant, lawyer, guro, seaman, construction worker, drayber, at caregiver na sumusustento sa kani-kanilang mga pamilya sa Perlas ng Silangan, sila ma'y nasa loob o labas nito.

ngunit diba kay saklap nun, na mawalay sa iyong pamilya dahil iyon na lamang ang tanging paraan, dahil hindi na nabura ang kakapirasong interest sa utang ng Pilipinas, dahil hindi ka na matulungan ng pamahalaan niyo, dahil kailangan. pampalubag-loob na lang siguro para sayo kung makakasabit paluwas yung pamilya mo.

lahat na lang na may bakas ng pagka-Pinoy, naabuso na ng iba - yamang natural, teritoryo, sining, edukasyon, pamahalaan. ngayon, hinayaan na rin nating pati ang pangunahing likas na yaman ng Pilipino, ang mga tao nito, na mahakot na rin ng iba. nakakainis, nakakalungkot, nagaganap.

ani isang kolumnista (si de Quiros yata?) sa isang kilalang pahayagan, "if OFWs are our heroes, what about those who chose to stay, martyrs?"

sabi naman dati ng kaibigan ko, gab, ang martir mo talaga. kahit na ibang klaseng pagkamartir yung tinutukoy niya noon, kakaririn ko na rin, pre-med naman ang course ko eh. tsaka balita ko, yung idol kong si Dr. Rizal, martir din.

-------

sanggunian: ilang mga alaala sa economics class nung 4th year high school, hiraya blogsite, isang revised paper ng batchmate ko, kule, at ang aking mga panaginip at pangarap.

=======

5 years ago, sinurvey kaming magpipinsan ng lolo namin patungkol sa mga propesyong gusto naming tahakin pagdating ng panahon. syempre ang gaganda ng mga sagot namin, doktor, sundalo, bombero, pulis, guro, abogado, at kung anu-ano pa. pero pinakamalupit talaga yung sagot ng bunso kong kapatid...

lolo: eh ikaw, joshua, paglaki mo magiging ano ka?
joshua: eh di malaki na po ako!

hay, ang sarap maging bata.

2 comments:

maye said...
This comment has been removed by the author.
maye said...

wow.
galing mo pa rin. walang kupas.

(skl, ang hirap kapag yung pamilya mo puro nurse, tapos pinipilit ka nila na magnursing.)

and... idol mo rin si rizal?